Life in My Island

MAY TULAY NA PA-MINDORO

Sanaysay: Marites Alberto Gonzaga
Larawang guhit ni Emma Olympia Gutierrez

Hindi ko maubos-maisip kung ano na ang anyo ng Calapan ngayon kung natuloy ang tulay na iyong bata pa ako ay binalak ng itayo. At pati na ang natitirang labing-apat na bayan. Lalo’t narating ng Puerto Galera ang kanyang kalalagayan ngayon bilang isa sa mga tampok na destinasyon ng mga turista sa buong mundo.

Noong bata pa akong mag-aaral sa Adriatico Memorial School, inakala kong ang Calapan ang buong mundo. Na ang hangganan ng lahat ay kung saan nagsusugpong ang langit at laot sa kabila ng Tatlong Pulo sa dakong abot-tanaw kung ako’y nakatayo sa baybaying-dagat ng Balete.

Hanggang sa pumasok ako sa Oriental Mindoro High School (OMHS) taong 1963 at nagkaroon ng mga kaklase galing sa ibang bayan mula Puerto Galera hanggang Bulalacao. Saka ko natantong ang buong mundo pala’y ang Oriental Mindoro.

Noon din lumawak ang mundo para sa akin. Sakay ng barkong Viva na yari sa kahoy mula sa pantalan ng Calapan patawid sa Batangas, kumakabog ang dibdib kong binabantayan kung mahuhulog ang barko pagdapit nito sa tagpuan ng langit at laot. Ngunit sa tatlong oras na paglalayag, hindi sinapit ng barko ang abot-tanaw. Saka ko naisip na wari ngang malaki ang mundo. Singlaki ng mga pagkakataong paparating.

Maraming kwento ang lupa kong sinilangan. Ang tatlong pulong mainit na sumasalubong at bumabati sa mga manglalayag patungong Mindoro bago pa datnin ang pantalan nito. Sinasabing noon ay may itatayong tulay di hamak na mas mahaba sa San Juanico Bridge na magsusugpong sa Batangas at Mindoro. Ang bansang Hapon ang magpapaluwal ng pondong kakailanganin. Mula sa pinakadulong bahagi ng Batangas sa may dakong parola, uusbong ang tulay patungo sa Isla Verde, patawid sa pinakamalaki sa tatlong pulo, at mula rito ay ang ikatlo at huling panig ng tulay na tuluyang susugpong sa bayan ng Puerto Galera o Calapan. May habang 14 kilometro itatayo sa limang taon sa halagang P18 bilyon.

Sana ay maganap sa loob ng aking buhay.

 


 

AKING ISLA

Tula ni Marites Alberto Gonzaga
Larawang kuha ni Chito Irigo

ito na s’ya: ang aking isla.
lunduan ng mga alaala.
ng noon.
ng ngayon.
pagkalipas ng mga libong araw.
ng paulit-ulit na paglisan at pag-uwi.
and’yan lang s’ya.
wala ni isang tanong kung ano na ba ako:
tagumpay? sablay?
matapos ang maraming bagay:
kolehiyo. trabaho. misyon. dibersyon.
o ang kawalan nila.
basta and’yan lang s’ya.
ang lupa kong ginto.
bukas sa laog na supling
na tumawid sa kabila.
at sa kabila pa ng kabilang ibayo.
asang uuwing sa wakas:
may pilak sa bulsa.

may titulong bansag.
may kasamang kabiyak.
may kargang anak.
o apo.
talagang and’yan lang s’ya.
pero iba. iba na.
ginumok ng mga bagong anyo.
kinabute ng mga bagong gusali.
bininyag sa bagong ugali.
t’yagang minamatyagan ng bulubunduking Halkon.
idlipan ng katutubong Mangyang bihis man sa ukay ay kapit sa gawi.
palaruan ng palayang nakatihaya sa patak ng araw.
kubliha’t pastulan ng mailap na Tamaraw.
binutas na pintuang lagusan sa katimugan.
pasyalan ng taga-bansa’t mga dayuhang
inuhaw at ginupo ng hapo.
dito sa lupa kong ginto.
nagbabalik.
bumabalik.
paulit-ulit.
dahil sya
ang kilala
ng puso.

 


 

BARYA SA TUBIG

Tula ni Marites Alberto Gonzaga
Larawang kuha ni Chito Irigo

walang sinomang may barya sa bulsa
ang aring magkait kung nagsusumamo silang
kandong ang mga bata sa maliliit na bangka nagtitiis na basa
habang tinutusta ng galit na araw sa gilid ng mga barkong
nakahimpil at naghihintay masakyan o mahubdan n’yaong
papaalis o nagsirating. ang may kapangyarihan: nagkakamali
silang manaway dahil ibang mundo ang pasan ng dukha.

mapalad ka. malalim ang bulsa’t maraming kaugnayan.
paluwas-luwas kung hilig at kailangan. habang
sila’y daan-daanan. swerte pang kahit saglit
masulyapan ng abala mong diwa. kailangang
sabay mong suriin at wariin ang buhay.
maawa ang puso’t sa utak manimbang.

ang bagol na pabigat sa iyong pitaka
pagaan sa hapdi ng bitukang sinalat ng kapalaran.
masusunog sila kung paanong matuyot
ang mga panagarap na di pinalad makamit.
uulandis ang buhok na unti-unting tinutupok
ng palalong araw na anyong mabait ngunit galit.

hagis na. sampo. lima. kahit isa.
masabi namang may naiambag ka
sa uring dalita.

 


 

ANG NAIWANG BAHAY

Tula ni Marites Alberto Gonzaga
Larawang kuha ni Nilo Manongsong

naiisip kita madalas.
habang nakasakay sa bus
sa magulo’t maingay na lungsod.
habang nasa opisina’t patuloy na gumagaod.
habang ikinakamada ang mga unan sa ulunan pagtulog.
habang papagising sa umaga’t maubos ang antok.
patas bang narito ako
at and’yan ka?
walang bantay.
walang kasama.
liban sa mga butiking
malayang naghahabulan
sa iyong mga dingding at kisame.
liban sa mga pipit at mayang tagusang
tumatawid sa mga lagusang kinatkat ng anay.
liban sa mga lamok na t’yagang hinehele ka sa gabi.
swerte pang mabalikan ang mga batang araw
na pagulong-gulong ako sa ‘yong mga sahig.
palundag-lundag sa kusina.
padungaw-dungaw sa ‘yong bintana

umaasang may mga kalarong paparating.
o ragasang tumatakbo papanaog sa hagdanan
habol ni amang dala’y sinturon sa bagong kasalanan.
paano ang mga gabing di ka mahaplos ng ilaw?
paano ang mga tuyong dahong lumibag sa paanan?
sinong kakandado sa likod at harapang pinto sa gabi?
sinong bubudbod ng suka sa mga bintana kung kidlatan?
sinong papalis sa mga sapot ng gagamba?
tanda pa kaya ako ng mga kurukya sa ‘yong silong?
kilala pa kaya ako ng mag-asawang nuno sa punso sa ‘yong likuran?
may tampo ka ba sa akin?
gusto mo ba akong bauyin
sa mga dating araw
na kinanlong mo ako:
sa lupit ng araw
sa hampas ng ulan
sa dagok ng hangin
sa angas ng mga bagyong
halos lumumpo sa ‘yo?
ewan ko:
andito ako sa ngayon.
andyan ka sa kahapon.
ang dati kong bahay.
ang dati kong buhay.
maluha ma’’y
wala ring magawa.
ari pa kayang
umuwi sa
kahapon?

Music

I love Oriental Mindoro deeply because she is the land of my birth, and because we were born the same year, 1950. So I keep writing songs about her.

View More

Images

Museyo Mindoro would like to show you the most heartwarming images of Oriental Mindoro the way you have never seen her before.

View More

Videos

For easier access, Museyo Mindoro refers you to the links to Youtube Videos featuring people, places, culture, and events happening in Oriental Mindoro.

View More

Artifacts

In a virtual gallery setting, Museyo Mindoro exhibits natural objects and artifacts unique to Oriental Mindoro to help you discover and enjoy our province better.

View More